Iginawad ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) sa pamamagitan ng kanilang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ang tulong pinansiyal sa walong benepisyaryo ng AgriPinay Loan Program mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan ng Catanduanes ngayong Enero 25.

Personal na pinasinayaan ni Governor Joseph C. Cua kasama sina Provincial Agriculturist Nelia Teves; Aloha Gigi I. Bañaria, Chief, Planning Monitoring Division, Alvin Khen Milan, Planning Officer II na pawang mula sa Regional Office; Joan Pera at Darius Mangampo na mula sa Department of Agriculture AFID Central Office ang AgriPinay Loan awarding sa walong benepisyaryo na sina: Manilyn Vargas, Marilyn Bernal, Sonia Padilla mula sa San Miguel; Glenda Jacques, Fe Abrillo, Leziel Benavidez ng Virac; at Myra Alano ng Caramoran. Bawat isa ay nakatanggap ng chekeng nagkakahalag ng P50,000.

Isa sa mga benepisyaryo si Sonia Padilla, isang watermelon farmer ang nagpahayag ng pasasalamat sa natanggap na tulong. “Dakulang tabang po ini sa samuya ta kang minakasagsagi ang pandemya, dakol ang ani nimi pero sarado ang mga hotel buda resort na yadeliveran mi kaya dako ang nasayang.”

Ipinahayag naman ni Governor Cua ang kanyang buong suporta sa mga benepisyaryo at hangad nitong gamitin nila ang natanggap na tulong pinansyal sa pagpapalago ng kanilang negosyo.

“To all the beneficiaries, sana yung pera na inyong natanggap ay gamitin para sa tunay na programa at hindi ma-divert sa ibang purpose.”

‘Woman on Agri’

Ang Financial Assistance for Women in Agriculture o AgriPinay Program ay nasa ilalim ng AgriNegosyo (ANYO) Loan Program ng Department of Agriculture (DA) na layong magbigay ng tulong pinansyal sa mga kababaihang nasa agribusiness sa pamamagitan ng loan na aabot sa P100,000. Ito ay uncollateralized at zero-interest kung saan maaaring bayaran sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Ang AgriPinay Loan Program ay parte ng DA-ACPC’s Gender and Development (GAD) na nagsusulong na matugunan ang pagkawala ng kita at hanapbuhay na epekto ng pandemya, ipagtibay ang gender equality sa agribusiness, at isulong ang women empowerment sa agrikultura at pangingisda.

“We hope that through this ANYO Program under the Agricultural Credit Policy Council-Department of Agriculture (ACPC-DA) ma-rehab ang livelihood,” saad ni Nelia Teves, Provincial Agriculturist.

Hangad din ni Ms. Aloha Gigi I. Banaria mula sa DA Regional Office na madagdagan pa ang walong benepisyaryo sa susunod at magsilibing inspirasyon ang walong Agri Pinay awardees. “Kayo ang maging model sa inyong respective community na ma-replicate pa ito,” saad nito.

Matatandaang noong Disyembre 2021, iginawad sa ating kapwa Catandunganon na si Cristina Torreda, 28 taong gulang na may-ari ng strawberry farm sa San Andres, ang grand award sa DA’s Search for National Outstanding Rural Women.

Source: Radyo Pilipinas Virac Catanduanes


Leave a comment..



[fb_plugin comments]