Itinaas na sa Alert Level 3 ng DOH ang Covid-19 situation sa lalawigan ng Catanduanes, kasabay ng Masbate at Naga City sa Bicol Region.

Ayon kay Provincial DOH Officer Dr. Robert John Aquino, bunsod ito ng tumataas na kaso ng Covid-19 sa lalawigan at umabot na rin aniya sa 70% ang utilization rate ng hospital beds para sa Covid-19 patients.

Ipinaliwanag ni Aquino na sa ilalim ng Alert Level 3 ay iminumungkahi ang pagpapatupad ng granular lockdowns, active case finding, pag-decongest ng mga ospital sa pamamagitan ng paglipat ng mga mild cases o asymptomatic patients sa TTMF ng mga munisipyo at pagpapabilis ng pagbabakuna lalo na sa mga kabilang sa A2 at A3 priority group.

Ang mga nasabing action points ay ipinaabot na ni Aquino sa lahat ng Mayors at Municipal Health Officers sa lalawigan, kabilang din si Governor Joseph Cua at ang PHO.

Samantala, sa August 10 quarantine classification ng Catanduanes na ibinatay sa 2-week growth rate at daily attack rate ng Covid cases, ay nakasailalim sa ‘high risk’ ang mga bayan ng Pandan, Bagamanoc at Bato; ‘moderate risk’ naman ang Gigmoto at Virac, ‘low risk’ ang Caramoran at Viga’ habang ‘minimal risk’ naman ang Baras, San Andres, San Miguel at Panganiban.

Sa huli ay muling nakiusap si Aquino sa publiko na sumunod sa health protocols at nanawagan din ito sa mga kabilang sa priority list na magpabakuna na kontra Covid-19.

| via Juriz Dela Rosa #RadyoPilipinas

Source: Radyo Pilipinas Catanduanes



Leave a comment..