Makikibahaging muli ang lalawigan ng Catanduanes sa ‘fourth wave’ ng Bayanihan Bakunahan, ang national vaccination drive ng pamahalaan, na magsisimula bukas, Marso 10 hanggang 12.

Ayon kay Provincial DOH Officer Dr. Robert John Aquino, 77% na ng populasyon sa Catanduanes ang bakunado na laban sa Covid-19 at ang target aniya nila sa ngayon ay ang mabakunahan na ang mga ‘unvaccinated’ pang indibidwal sa lalawigan, partikular ang mga nasa edad 12 pataas.

Kung sa ibang lugar ay prayoridad sa isasagawang aktibidad ang mga seniors, sa Catanduanes aniya ay mas tututukan na ang ibang age group sapagkat naabot na sa probinsya ang 106% accomplishment sa vaccination coverage ng mga seniors.

Pagtitiyak ni Aquino, may sapat na bakuna ngayon ang probinsya para sa 1st at 2nd dose, pati na rin pang-booster shots.

Ang hindi muna aniya mapapabilang sa tatlong araw na bakunahan ay ang mga 5-11 anyos sapagkat wala pa sa ngayon ng panibagong suplay ng reformulated Pfizer vaccines para sa mga ito.

Sa huli ay nakiusap si Aquino sa mga natitirang Catandunganon na hindi pa rin bakunado hanggang sa ngayon na samantalahin ang oportunidad na ito para sa kanilang proteksyon at upang tuluyan nang makamit ng lalawigan ang herd immunity at muli nang maibalik sa normal ang pamumuhay ng lahat.

Source: Radyo Pilipinas Virac Catanduanes


Leave a comment..