Dumalo sa isinagawang special session ng Barangay Concepcion ang mga opisyal ng Excel Care Diagnostic & Wellness Center, Inc sa pangunguna ni Dr. Emmanuel Guerrero bilang Chairman gayundin sina Dr. Susana Abrina, Dr. Moneth Lacorte at Josefina Reyes, kung saan inamin ng Chairman na kanila nga ang mga hazardous waste materials na natagpuang nakatambak sa baybayin ng barangay.

Ayon kay Dr. Guerrero, hindi umano sinasadya ang pagkakatapon ng nasabing toxic wastes. Ayon kay Josefina Reyes, operations manager ng Excel, ito umano ay kasalanan ng basurero ng Barangay San Roque na komokolekta sa kanila ng basura, who picked up mixed wastes. Nadampot umano ng basurero ang nasabing medical wastes.

Ganoon pa man, sabi ng Doktor, treated and disinfected na umano ang mga basura kaya wala umanong problema kung napaglaruan man ng mga bata ang mga heringgilya. Katunayan, ayon sa opisyal, pwede umano nilang suriin nang libre ang mga bata na naglaro ng mga syringe.

Bilang Chairman, inaako ni Dr. Guerrero ang buong responsibilidad sa nangyari at inaamin din niya na nagkaroon ng kapabayaan mula sa kanilang kompanya.

Samantala, sa nasabing special session, naroon din ang kinatawan ng DENR na nagsabing wala umanong kaukulang permit mula sa kanilang tanggapan ang Excel. Hinimok din ng DENR ang Excel na sabihin kung saan nila itinapon ang mga kaparehas na basura sa loob ng ilang taon ng operasyon nito, dahil mayroon umanong nakapagsabi sa DENR na ipinapalibing umano ng Excel ang medical wastes na ayon sa nasabing ahensiya ng gobyerno ay bawal na bawal din.

Naimbentaryo na ng DENR at PNP Virac ang bilang ng mga medical wastes, naisilid na sa safe na plastic containers at ngayon ay nasa kustodiya na ng LGU Virac para maging ebidensiya sa mga inihahandang asunto.

Source: RS News


Leave a comment..