Tagumpay ang katatapos pa lamang na programa na inilunsad sa pangunguna ng CATPPO ganap na alas singko (5:00) ng hapon, ika- 17 ng Pebrero 2022 sa Plaza Rizal, Virac, Catanduanes kaugnay ng nalalapit na eleksyon.

Ang nasambit na programa na tinawag na “KASIMBAYANAN o Kapulisan, Simbahan at Mamamayan tungo sa isang matiwasay, tama, tapat at malayang halalan” ay isa lamang sa mga inisyatibo ng PNP upang pagtibayin ang ugnayan at pagkakaisa ng mga ahensya na derektang mangangasiwa sa gaganaping botohan kasama ang mga grupo at sektor na pawang nagsusulong ng isang mapayapa at tapat na halalan.

Nagbigay ng kani-kaniyang mensahe ang mga pinuno ng mga dumalong ahensya gayon din ang Provincial Director ng CATPPO na si PCOL BENJAMIN B BALINGBING JR., “be wise enough and prevent … ungodly and dreadful election system… We can lift-up our country by being responsible and true citizen, through our collaborative efforts” saad niya habang kinikilala ang malaking maiaambag ng bawat isa sa pangkalahatang layunin ng KASIMBAYANAN.

Kabilang sa nagpakita ng suporta sa programa ang mga katuwang na ahensya at mga miyembro ng Advocacy Support Groups. Kasama dito ang mga kawani mula tanggapan ng Commission on Election (COMELEC), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communication Technology (DICT), mula sa hanay ng 83rd IB 9th ID ng Philippine Army, Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG), miyembro ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPRCV), mga pinuno ng simbahan at paaralan, lokal na medya, mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), Kaligkasan, at iba pang naorganisang lingkod-bayan.

Bahagi ng programa ang pagkakabit ng pin kung saan nakalimbag ang isinusulong na “Secure, Accurate, Fair Free Election (SAFE) National and Local Election 2022” at ang seremonyal na pagsindi ng kandila kalakip ang paghingi ng panalangin at gabay tungo sa pagkamit ng natatanging layunin ng programa.

Kasunod nito ang paglagda sa manipesto bilang tanda ng pinagtibay na kasunduan sa pagitan ng mga nabanggit na sangay ng ahensya at mga sektor. Natapos ang programa sa pagpapalipad ng mga puting kalapati bilang simbolo ng pag-asa, katapatan at kapayapaan na ninanais ng nasabing kapulungan.

Source: Radyo Pilipinas Virac Catanduanes


Leave a comment..