Mula Alert Level 1 ay muling ibinalik sa Alert Level 3 ang Covid-19 risk classification ng lalawigan ng Catanduanes nitong Agosto 29.

Ayon kay Dr. Robert John Aquino, kasunod ito ng pagkaka-detect ng variants of concern sa Catanduanes at patuloy na pagdami ng kaso ng Covid-19 sa lalawigan.

Iniulat ni Aquino na ang 5 kaso ng Alpha variants ng Covid-19 na naitala sa Catanduanes ay mula sa mga bayan ng Bagamanoc (1), San Miguel (3) at Virac (1) habang ang Beta variants naman ay mula sa San Andres (2) at Virac (4).

Recovered na aniya ang mga ito subalit kinakailangan silang ire-swab at muling isailalim sa quarantine, pati na rin ang kanilang mga naging contacts, alinsunod sa guidelines ng DOH.

Paliwanag ni Aquino, bagamat wala pa aniyang Delta variant sa Catanduanes, highly transmissible o mabilis rin makahawa ang Alpha at Beta variants kung kaya’t hindi ito dapat ipagwalang bahala.

Panawagan ni Aquino sa LGUs at RHUs, “ramp-up case finding, tiyakin na nati-trace ang lahat ng close contacts at naisasailalim sila sa quarantine, limitahan muna ang mga ‘super spreader’ events at alamin ang mga factors kung bakit dumarami ang cases sa kanilang lugar at siyempre to scale-up vaccination din”.

As of August 29, nasa high risk ang bayan ng Virac, moderate risk ang Bato, Bagamanoc at Viga, low-risk ang Gigmoto at Pandan habang minimal risk naman ang Baras, Caramoran, Panganiban, San Andres at San Miguel. Subalit paglilinaw ni Aquino, hindi ibig sabihin na wala nang Covid-19 sa nabanggit na low at minimal risk areas, nagkataon lamang aniya na walang naitalang aktibong kaso doon sa nasambit na petsa.

Sa huli ay muling nanawagan si Aquino sa mga Catandunganon na mas paigtingin pa ang pag-iingat kontra Covid-19 at magpabakuna na kung may pagkakataon.

Source: Radyo Pilipinas Catanduanes


Leave a comment..