Ginawang solid waste strainer ang mga patapon nang plastic bottle sa kahabaan ng Gogon river sa Virac, Catanduanes.

Ayon kay Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) Andy Po, layunin ng naturang strainer na ma-contain o masala ang mga basura sa ilog at mapigilan ang pag-anod o pagdiretso ng mga ito sa dagat. 

Ang strainer ay nabuo sa pinagdugtong-dugtong na mga nakolektang plastic bottle ng softdrinks gamit ang tansi. Nagsimulang maglagay ng mga solid waste strainers nitong Martes sa una sa buuuin nilang 12 stations. Ang pangalawang station ay nilagyan naman noong Biyernes.

“Napakahaba kasi ng river at nahihirapan kami maglinis at ma-contain yung mga basura na sumasabay sa agos kapag high tide o low tide. Kaya naisip namin na maglagay ng strainer,” ani Po.

“With this strainer na ilalagay namin sa bawat station, mas mapapadali yung paglinis namin. At saka thru this strainer, mamo-monitor natin kung kanino o sino-sino yung mga talagang walang awang nagtatapon ng basura sa ilog. So makikita yung volume ng basura na makukuha namin dun sa strainer.”

“We have to do this kasi ‘pag hindi na-contain ang mga basura, dumeretso sa dagat. Malaking epekto nito sa karagatan lalo na’t marami rin kami ditong mga bahura. Pwedeng maka-contaminate yung tubig at mamamatay yung mga isda,” dagdag pa niya.

Layunin ng nasabing proyekto na mahikayat rin ang mga residenteng mag-recycle at magbawas ng basura. 

Katuwang ng MENRO sa nasabing proyekto ang Virac River Warriors ng local government unit at ilang estudyante ng Catanduanes State University.

Source: ABS-CNB NEWS


Leave a comment..