Huli ang isang miyembro ng Sorreda Gang sa isinagawang entrapment operation ng Virac Municipal Police Station na pinamunuan ni PCMS Louie M Garcia, Imbestigador, nitong Mayo 22, 2022 bandang 2:20 ng hapon sa Relocation Site, Barangay San Isidro Village, Virac, Catanduanes.

Isinagawa ang entrapment operation sa pamamagitan ng gun bust kung saan nagbenta ang suspek ng isang kalibre 38 baril na mayroong dalawang (2) bala sa nagpanggap na buyer. Nakuha din sa suspek ang anim (6) na pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang “shabu” at ang boodle money na ginamit sa naturang transaksyon.

Ang arestado na nakilalang si Alyas “Elay”, 32 anyos, walang asawa, walang trabaho at residente ng Barangay Palnab Del Norte, Virac, Catanduanes, ay isa sa myembro ng “Sorreda Gang” na nagsasagawa ng mga serye ng nakawan sa bayan ng Virac at sangkot sa pagbebenta ng baril at ilegal na droga. Nauna nang nahuli ang itinuturing na lider ng nasabing grupo na si Alyas “Kanor” noong Abril 20, 2022 dahil sa kaparehong kaso.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in Relation to COMELEC Resolution No. 10728 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang naturang arestado.

Hiling naman ng Virac MPS na paigtingin ng mamamayan ang pagiging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran at makipagtulungan sa mga otoridad upang masawata ang paglaganap ng ilegal na pagdadala ng baril sa buong panahon ng eleksyon kasabay ng pag-iral ng gun ban policy ng COMELEC.

Source: Virac MPS


Leave a comment..