Nadiskubre ang naaagnas na bangkay ng isang lalaki sa isang kubo sa barangay Calatagan, Virac, umaga nitong Marso 7.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas Catanduanes kay Virac MPS Deputy Chief of Police PCAPT Francis Tabo, sinabi nitong isang magsasaka ang patungo sana sa palayan, dakong alas 7 ng umaga, nang mapadaan ito sa isang kubo na may nakasusulasok na amoy.

Agad naman itong pinuntahan ng magsasaka kung saan kanyang natuklasan ang bangkay ng isang lalaki na umano’y nasa ‘decomposition stage’ o naaagnas na, batay sa pahayag ni PCAPT Tabo. Pinagbigay alam naman ito agad ng magsasaka sa mga awtoridad.

Kinilala ang bangkay ng lalaki na si Rudy Belga, isang laborer, tubong Bacacay, Albay at mahigit 30 taon nang nakatira sa Virac, Catanduanes nang mag-isa at walang ibang kapamilya.

Ayon pa kay PCAPT Tabo, huling nakita itong si Belga ng mga kapitbahay noong Pebrero 28 pa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Virac MPS, wala umano silang nakikitang foul play sa pagkamatay ng lalaki.

Samantala, itinurnover na ng Virac MPS si Belga sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) para sa tamang disposisyon ng kanyang mga labi.

Pinabulaanan naman ng Deputy Chief of Police ang haka-haka na si Belga ay dating kasapi ng mga rebeldeng grupo.

Source: Radyo Pilipinas Virac Catanduanes


Leave a comment..



[fb_plugin comments]