Personal na tumugon ang First Lady ng Virac (Ma. Cleofe R. Laynes) at anak na si Ms. Ruth sa matagal nang hinaing sa bayang ito na mabigyan ng pansin ang pagkalat ng mga pusa at asong-gala sa mga kalsada.

Madalas na isinisisi sa mga ligaw na aso/pusa ang mga nangyayaring aksidente sa mga kalsada partikular sa mga motorsiklo, maliban sa pagkalat ng mga basura at dumi ng mga ito.

Nakipagpulong ang dalawa kay MAO head Jimma Tadoy ngayong hapon upang alamin ang mga hakbangin na maaaring ipatupad ng lokal na pamahalaan upang masolosyunan ang lumalalang problemang ito.

Ang kawalan ng tamang pasilidad ang itinuturong dahilan ng lokal na pamahalaan kung bakit nahihirapan ito sa pagpapatupad ng batas para makontrol ang pagkalat ng mga aso/pusa.

Lumalabas sa ginawang pulong na walang sapat na budget ang munisipyo, para sa taong ito, upang matugunan ang suliranin at wala ring angkop na kakayahan para pangalagaan ang mahuhuling mga hayop.

Kaugnay nito, nakatakdang makipagpulong si Ms. Ruth sa isang grupo ng mga dog/cat lovers sa bayang ito upang hingin ang tulong ng grupo at matugunan ang suliranin.

Inaasahang bubuo ng kasunduan sa pagitan ng NGO (private sector), business sector, at ng LGU Virac upang makapaglaan ng tamang programa para sa mga aso at pusang gala.

Hihikayatin din ng babalangkasing programa ang pakikiisa ng mamamayan upang mapalawig ang programang ito ng lokal na pamahalaan.

Makipagtulungan po tayo para sa kaayusan ng ating bayan at arugain natin ng tama ang ating mga alaga.

Source: Go Shine Virac


Leave a comment..