Sinimulan na ngayon araw, Pebrero 21, sa lalawigan ng Catanduanes ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11, na pinangungunahan ng provincial DOH.

Sabay-sabay na isinagawa ang ‘Resbakuna Kids’ sa Catanduanes State University Gymnasium, Virac Town Center, at Virac Sports Center kung saan target makapagbakuna ng 300 bata bawat vaccination site, ngayong unang araw ng Resbakuna Kids.

Unang nabakunahan sa CatSU Gymnasium ang isang batang lalaki na 10 taong gulang kung saan sinabi ng ina nito na ang kanyang anak mismo ang may kagustuhang mabakunahan upag magkaroon ng proteksiyon laban sa Covid-19 at makapaghalubilo nang muli sa kanyang mga kaibigan.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes, importante ang pagbabakuna sa mga kabataan bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes.

Nagkaroon din ng ceremonial vaccination sa CatSU gymnasium kung saan dinaluhan ito ng mga local na opisyal, mga inimbitahang pediatric doctors at ni Dr. Ernie Vera, ang Regional Director ng DOH Bicol.

44,225 ang target na populasyon sa ilalim ng nasabing age group na mabakunahan kontra Covid-19 sa probinsya. Sa ngayon ay 3,400 doses pa lamang mg Pfizer vaccines ang dumating para sa kanila.

Source: Radyo Pilipinas Virac Catanduanes


Leave a comment..