Iginawad ang sertipikasyon sa labintatlong (13) barangay na idineklarang Drug Cleared at Drug Free na isinagawa sa Twin Rock Function Hall, Barangay Igang, Bayan ng Virac nitong Pebrero 12, 2022 bandang alas-tres ng hapon.

Idineklarang DRUG CLEARED BARANGAY ang mga Barangay Buyo, Constantino, Danicop, Gogon Centro, Ibong Sapa, Lanao, Palnab Del Sur, San Vicente, Simamla at Sogod Tibgao Bliss, Virac, Catanduanes samantalang idineklarang DRUG FREE BARANGAYS naman ang Barangay Dugui Too, Dugui San Vicente at Dugui San Isidro, Virac, Catanduanes matapos ang mahigpit at mahabang proseso at pagbibigay katunayan na ang mga nasabing barangay ay hindi na apektado ng illegal na droga. Ang nasabing mga barangay ay dapat na mapanatili ang pagiging Drug Cleared upang hindi mabawi ang nasabing parangal. Ang nasabing mga barangay ay makakatanggap ng Php 20,000.00 na insentibo galing sa lokal na pamahalaan na gagamitin sa pagsasagawa ng adbokasiya at kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang nasabing okasyon ay dinaluhan at sinaksihan ng Mayor ng Virac, Hon. Sinforoso M. Sarmiento, Jr, MLGOO VI Jose Rogel Maglaqui, PMAJ ROBERT KEVIN T CAPARROSO, Hepe ng Virac, Liga President Hazel B Isidoro at mga Punong Barangay ng nasabing bayan.

Sa 63 na barangay sa bayan ng Virac ay may 33 barangays na ang Drug Cleared sa 48 na barangay na apektado ng ilegal na droga at 15 barangay naman na Drug Free Barangays na hindi apektado ng ilegal na droga batay sa sertipikasyon na nilagdaan ng Chief of Police ng Virac, Municipal Mayor at Regional Director ng PDEA Region 5. May nalalabi pa na 15 barangay ang hindi pa nadedeklara na Drug Cleared barangay.

Ang Barangay Drug Clearing Program ay isang whole-of-nation approach upang mapaigting ang kampanya laban sa ilegal na droga sa tulong ng mga iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at komunidad at mga pribadong organisasyon at hindi na kumalat pa ang ilegal na droga sa bansa na itinuturing na isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng krimen sa isang lugar at sumisira sa buhay at pamilya lalong lalo na sa mga kabataan at sa pamayanan.

Source: Virac MPS


Leave a comment..