Inihayag ngayong hapon ng FICELCO ang dahilan ng araw-araw na ‘momentary unscheduled power interruptions’ na nararansan sa probinsya.

Ayon kay Information Officer Marvin Tapel, nakipag-meeting kahapon ang kanilang management sa SUWECO at doon ay inamin ng power supplier na problema sa kanilang mga planta o ‘plant-related’ ang dahilan nito.

Ipinaliwanag aniya ni SUWECO Tech. Engineer Daniel Pilones na ang kanilang mga makina ay naka-set na o naka-fix na ang kapasidad kung kaya’t sa tuwing nagkakaroon ng pagbabago sa load o demand o variation, nakakapag-trigger ito ng fluctuation sa frequency.

Nangako na rin aniya ang management ng SUWECO na bago matapos ang buwan ng Agosto ay paaandarin na ang kanilang Hydro Power Plant sa Solong San Miguel na ilang buwan na ring non-operational matapos maapektuhan ng bagyong Rolly.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Tapel na sa parte naman ng FICELCO ang problema kapag ‘line-related’ ang dahilan. Mas matagal aniyang naibabalik ang suplay ng kuryente sa ganitong sitwasyon. May mga pagkakataon aniyang naka-schedule ang kanilang power interruptions habang may mga hindi rin inaasahang insidente tulad na lamang aniya ng natutong na ahas sa kanilang linya kamakailan sa Brgy. San Vicente, Virac.

Pagtitiyak naman ni Tapel, unti-unti na nilang iniimprove ang kanilang distribution lines para maiwasan ang mga katulad nitong problema.

Maaaring panoorin ang kabuuan ng kaniyang pahayag sa link na ito: http://m.facebook.com/story.php?story_fbid=3081680912119071&id=1711234599163716

Source: Radyo Pilipinas Catanduanes


Leave a comment..