Isang report ang natanggap ng Virac MPS bandang alas syete kinse (7:15) ng umaga ngayong araw, Marso 7, 2022 tungkol umano sa isang bangkay na natagpuan sa Moonwalk, Barangay Calatagan Proper, Virac, Catanduanes.

Batay sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng Pulis Virac, bandang alas sais trenta (6:30) ng umaga ngayong araw, isang magsasaka na patungo sana sa kanyang lupain ang nakapansin sa mabahong amoy na nanggagaling umano sa isang kubo.

Kanya itong inusisa at dito niya natagpuan ang naagnas na katawan ng isang lalaki na kinilala bilang si Rudy Belga, humigit kumulang 50 anyos, laborer, at tubong Bacacay, Albay.

Ayon sa ilang kapitbahay, huling nakita na lumabas ng bahay si Belga ika-28 ng Pebrero 2022. Wala namang nakitang indikasyon na pinasok ang bahay ng lalaki o kaya ay foul play.

Agad namang nakipag-ugnayan ang PNP sa Municipal Health Office para sa pagsasagawa ng post-mortem examination.

Sa ngayon ang bangkay ay naipalibing na sa sementeryo sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Virac.

Source: Catanduanes PPO


Leave a comment..